#BuhayOrgMember

Dahil malapit na namang mag-Recruitment Week, at habang hindi pa masyadong mabigat ang academic load. Naisip kong pag-isipan kung bakit nga ba marami akong orgs, at sinisikap kong mag-active. Bakit nga ba mahal na mahal ko ang #buhayorgmember?


“One of the best, if not the best, student organizations community in the country.”

Iyon daw ang meron ang Ateneo. Higit sa 48 accredited orgs, at marami pang unaccredited. May pang-business, foreign culture, social justice, statistics, math, performing arts, at marami pang iba. Anoman ang interes mo, may org kang maaaring salihan kung saan makikilala mo ang mga taong kapareho mo hilig. (Kung wala naman, maaari kang maghanap ng makakasama at magsimula ng sarili mong org. May mga pagdadaanan ka lamang na mga proseso.)

Matututo kang mahalin ang bawat trabahong ginagawa mo, at kasabay niyon ay mahalin ang mga taong kasama mo sa paggawa.

Photo source: RecWeek 2013 FB Page

Photo source: RecWeek 2013 FB Page

Pangunahing dahilan kung bakit marami kong orgs ay ang pagkakaroon ko ng marami at iba-ibang hilig. Kaya nga sadyang masaya ako dahil sa bawat hilig na iyon, may org na tumanggap sa akin. Alam kong kung wala ako sa Ateneo, ibang tao ako ngayon. Kung wala ako sa Ateneo, hindi ako pira-piraso. Pero hindi rin ako buo.

Magsulat. Magmulat. Mamulat.

Aksidente ang pagsali ko sa Matanglawin. Nasabihan lamang ako ng substitute teacher noon para sa klase namin sa Fil 11 na magaling raw akong sumulat sa Filipino, matapos niyang mabasa ang isang seatwork na ipinasa ko. Tapos na ang RecWeek pero pinapunta niya pa rin ako sa MVP 201 para humingi ng app form. Sabi niya, sabihin ko lang daw ang pangalan niya. Freshie ako at bukas sa anumang oportunidad kaya ginawa ko naman. Sa ngayon, nakasulat na ako ng mga artikulo para sa magasin, at masasabi kong ipinagmamalaki ko naman ang mga iyon. Para sa taong ito, magsisilbi akong muli bilang bahagi ng Editorial Board.

Ang maging boses ng marhinalisado. Isang malaking responsbilidad, ngunit isa ring malaking pribilehiyong katumbas ng pagsali sa Matanglawin. Maging pagsulat, pagguhit, pagkuha ng litrato, paggawa ng poster, pag-oorganize ng mga event, o kung ano pa man ang hilig mo, basta handa kang ialay ang oras at talento mo para maging boses ng marhinalisado sa lipunan ng Ateneo gayundin sa labas, ito ang org para sa’yo.

Kung may ipinaglalaban ka. Kung nais mong mamulat sa totoong nangyayari sa lipunan. Kung nais mong imulat ang iba sa mga isyung kay linaw subalit hindi natin karaniwang napapansin.

O puwede ring kung gusto mo ng air-conditioned na org room (dahil rare ‘yon).

Social Justice Through Education

Naging miyembro ako ng Kaingin dahil nagpa-pre-enlist kami ng kaibigan ko para sa NSTP noong nakaraang taon. Naging officer ako ng Kaingin dahil nakumbinsi ako ng isang dating miyembro na may maitutulong ako sa org. Sa madaling salita, hindi ko personal na desisyon ang pagtataya sa Kaingin. Subalit isang bagay ang natitiyak ko- wala akong pinagsisisihan.

“Some kids just need a little more affection.” Ang maturuan sila, ang maipaliwanag sa kanilang hindi nalilimitahan ng mundong kanilang ginagalawan ang mga pangarap na maaari nilang abutin. Iyon para sa akin ang pinakamahalagang tunguhin ng pagiging miyembro ng Kaingin.

Isa pa, kapag kasama ko ang mga bata sa area, naipaaalala nila sa akin na malawak ang mundo, na hindi lamang ito nagtatapos sa apat na sulok ng Ateneo. Sa area, nagagawa kong magturo, maglaro, magsaya, magpasensiya, magtaya. Maging bukas sa mas malawak na realidad. Mag-alay ng sarili. Magmahal.

“The best thing about Kaingin is that it exists.” –G (a cat)

Pinipili kong magtaya. Nangangako akong magtaya. Malaya akong nagtataya.

Alam ko sa sarili kong hindi ako ganoon ka-aktibo sa Gabay (pero ginagawa ko ang makakaya ko 🙂 ). Katulad rin ng sa iba ang dilemma ko: masyado kasing maraming ginagawa at events, kung minsan nahihirapan na akong sumabay.

Pero kung iisipin, iyon ang pinakamagandang bagay sa Gabay- ‘yong sandamukal nilang events. Kasi, for all it’s worth, pamilya ang Gabay. Pamilya para sa mga iskolar at para sa mga handang magtaya para sa mga iskolar at mga mag-aaral ng Balanti at Project 3. Ano pa nga ba ang pinakamagandang paraan ng pagpapakita ng pagiging pamilya kundi ang palaging pagsasama-sama, hindi ba? 🙂

Isa pa, lahat ng events na ito ay naglalayong maging bahagi ng pagkahubog ng isang Gabayano, kaya naman saludo talaga ako sa Gabay.

Isa ang Gabay sa mga una kong naging pamilya sa Ateneo, kaya naman nahihirapan man ako, hindi ako susuko at patuloy na susubuking maging visible sa org. Masaya ako dahil hindi man ako ganoon ka-active, ramdam kong welcome pa rin ako sa org. Walang papantay d’on. Pamilya ang Gabay, at kahit ano namang mangyari, babalik at babalik ka sa pamilya mo, hindi ba? 🙂

Music is in everything.

Self-explanatory naman. Sino nga bang nabubuhay ng walang musika? May mga tao lang talaga na sa bawat kataga, paghakbang at paghinga, musika ang iniikutan ng mundo nila. Parang ako.

Hindi ko talaga masasabi kung anong pakiramdam na maging miyembro ng Ateneo Musicians Pool. Miyembro ako last year pero hindi ako nabigyan ng pagkakataong maging active, eh. Isinama ko lang dito kasi, wala lang, plano kong sumaling muli. Gusto ko sanang sumulat para sa kanila. Gusto kong sumulat para sa musika. Kung mabibigyan ako ng pagkakataon. 🙂

Sa paghanap ng sarili (o ng mga kaibigan)

May ilan pa akong org na planong salihan. MEA, A-Stat… Actually ‘yon pa lang. (Well, sana hindi na madagdagan. 🙂 ) Hindi man ako makapaglahad ng mga makabag-damdaming kataga kung bakit ko gustong sumali sa mga ito, alam ko sa sarili kong may dahilan ako sa gagawin kong pagsaling muli.

Gaya ng minsan kong sinabi, may personal na paglalakbay akong tinatahak ngayon. At ngayong ikatlong taon ko sa kolehiyo, sinisikap kong bawat bagay na gawin ko ay akma sa layunin ng paglalakbay na iyon. Kasama na roon ang mga orgs na sasalihan ko.

Kung nahabaan ka sa mga nakasulat sa taas at nagscroll down ka na lang, kahit ito na lang ang basahin mo. 🙂

Ang pagsali sa isa (o dalawa o higit pang) student org/s ay isa lamang sa mga paraan ng paghubog na inihahandog sa atin ng Ateneo. Sa kahandaang sumali at magtaya, ihinahanda mo rin ang sarili mong paulit-ulit na madurog at magkapira-piraso—mga pirasong ihahandog mo sa bawat gawain at bawat taong makakasama (gaya nga ng sinabi ng Batch Valedictorian noong nakaraang academic year).

Sa darating na June 24-28, gaya nga ng sinasabi sa mga promo, “adventure begins.” Kahit na ano pa man ang dahilan mo sa pagsali sa orgs- kung gusto mo talaga o nahatak ka lang ng kaibigan mo o trip mo lang mag-org hopping, tandaan na sa bawat pagpirma mo ng sign-up sheet (o kung ano pa man) sa isang org, isang paglalakbay ang iyong sisimulan. Nasa sa iyo kung titigil ka sa kalagitnaan niyon o magpapatuloy.

Subalit ang bawat karanasang ihahatid sa iyo ng pagiging isang org member ay walang-dudang magiging bahagi ng pagkatao mo ngayon at sa hinaharap, at panghahawakan mo sa loob ng matagal na panahon.

3 comments

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s