Ang Tinig mula sa Ilang, Noon hanggang Ngayon

Pagkilala sa musikerong si Joey Ayala, ang “voice in the wilderness” mula sa Davao

ni Rhea Leorag

inilathala sa Matanglawin (Opisyal na Pahayagang Pangmag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila) TOMO XXXVII Blg. 1

(c) Jami Cudala

(c) Jami Cudala

“Nais kong lumipad tulad ng agila
At lumutang-lutang sa hangin
Magkaroon ng pugad sa puso ng kagubatan
Ngunit ito ay panaginip lang at maaring di matupad…”

Para kay Joey Ayala, isa ang Agila sa mga paborito niyang awiting naisulat. Patunay ang Agila na maaring maging iba’t iba ang kahulugan ng isang awit depende sa tagapakinig. Iba’t ibang pangkat ng lipunan ang nagpasalamat kay Ayala dahil sa tingin nila’y “para sa kanila” isinulat ang awit- mga katutubo, mga political ideologist, at maging mga miyembro ng Sparrow Unit (assassination squad ng Communist Movement). Nang ilabas ang Agila noong 1980s, nagkaroon din ng debate sa pagitan ng mga aktibista, “Bakit ginamit niya yong agila eh simbolo ng US ‘yan?”

Sa gitna ng lahat ng ito, binabati naman ni Ayala ang kanyang sarili na nakagawa siya ng isang kantang mabibigyan ng kahulugan ng tagapakinig batay sa kanyang sariling “sense of identity.” Kaugnay nito, nakilala ni Ayala ang sarili bilang isang maselang manunulat- kailangan laging multidimensional ang mga kanta, may mga simbolismo sa ilalim ng literal na kahulugan.

Bisyo ng Paglikha

Nagtapos mula sa Ateneo de Manila High School, unang natutong tumugtog ng gitara si Ayala dahil nainggit siya sa matalik niyang kaibigan. Ayon sa kanya, “Doon nagsimula. Naiinggit ako lagi, eh.” Malaking bahagi rin ng pagkahilig niya sa paglikha ng musika ang kinalakhan niyang creative culture sa kanyang mga kaibigan. “Naging uso sa grupo namin yan. May magagaling magpinta, magagaling magdrawing, magagaling magsulat. We would show off to each other. ‘Meron akong ginawa! Meron akong ginawa!’ Creativity ‘yong aming bisyo. We fueled each other’s passion kumbaga. ‘Yong mga frustration namin sa lipunan, napupunta sa sining.

Isang malaking pagbabago ang naganap sa buhay ni Ayala nang lumipat ang kanyang pamilya sa Davao matapos siyang mag-high school. Sa panahong wala pang cellphone o e-mail, tuluyang nalayo si Ayala sa nakasanayan niyang buhay. Sa puntong ito naging gamot para sa kanya ang patuloy na pagsulat ng mga kanta. “Gawa lang ako nang gawa ng kanta. Siguro kung hindi ako gumawa, baka nabuang na ako ‘don.”

Naging bahagi rin ng buhay kolehiyo ni Ayala ang teatro, kung saan unang nagkaroon ng malaking audience ang kanyang musika. Naging trainor ng kanilang grupo ang makatang si G. Al Santos at nagkaroon ng pagkakataon si Ayala na lapatan ng musika ang isa sa mga obra nito sa teatro.

Nagkaroon ng malaking impluwensiya sa kanyang pagsusulat ang nasabing karanasan, lalo na ng makilala niya ang kagandahan ng wikang Filipino.

Gayunman, hindi naging madali ang transisyon. “Kasi Atenista ako eh. English-speaking ako, pati mag-isip. Pero I consciously tried to expand yung kakayahan ko sa wikang Filipino.” Para kay Ayala, hindi maganda ang pamamaraan ng pagtuturo ng Filipino sa unibersidad. “You learn how to hate the language. You don’t understand it, and it’s so complicated. You’re learning your own language in the manner you would learn a foreign language.” Dahil sa pamamaraang ito nga tumubo ang pangingilag ni Ayala sa kanyang sariling wika. Subalit nang magkaroon ito ng kauganayan sa mga kantang kanyang isinusulat, natutuhan niyang mahalin ang wikang alam niya, ‘yong naririnig niya sa kalsada. “’Yong sarili ko na ang nagsasalita, hindi na si Balagtas, o kung sino pa na hindi ko maintindihan ‘yong sinasabi.”

Ang Tinig Mula sa Ilang

Nang matapos ang kursong Economics sa kolehiyo, iba’t ibang trabaho ang pinasukan ni Ayala, na karamiha’y may kinalaman sa komunikasyon. Sa kalaunan, nagtayo ng isang maliit na recording studio para sa mga voice over ang pinagtatrabahuhan niyang development communications NGO. Ang isang bagay ay humantong sa isa pa. Sinubok ang equipment, nairekord ang mga kanta, gumawa ng album, naglabas ng mga kopya. Noong mga panahong iyon, wala pa sa isip ni Ayala ang pagpasok sa lokal na industriya ng musika.

“Naglako ako. Kahit anong lakad ko sa araw-araw, may dala ako sa bag. Nakita ko may ka-batch akong nagtatrabaho sa bangko, pasukin ko yan, ‘O, bili ka! Bente pesos.’ Kumalat lang ng kumalat.” Hanggang sa may makarating ngang mga kopya ng album ni Ayala sa Maynila, at dumagsa ang mga magagandang rebyu mula kina Virgilio Almario, Jose Mangahas at iba pa. Nagkaroon ng interes ang mga tao. ‘Sino yong voice in the wilderness na yon, nasa Davao, gumagamit ng indigenous instruments, ‘yong mga kanta niya anlayo sa [naririnig sa] radyo?’”

Sa Pagiging Kaiba

Makata ang kanyang mga magulang. Mahilig rin ang mga ito sa musika mula sa iba’t ibang bayan at bansa, na siyang kinalakhan nilang magkakapatid. Tumira rin ang kanyang ina sa Cordillera noong World War 2, at normal na sa kanya ang pakikinig nito sa musikang katutubo. “Wala sa radyo ‘yon, pero maganda. Iba-iba ang pinanggagalingan. Bukas ang tenga ko.” Sa ngayon, kilala si Ayala sa kanyang estilo ng pagsasama ng moderno at popular na musika at tunog ng mga katutubong intrumento.

Pinaghuhugutan

Nang tanungin kung ano ang inspirasyon niya sa mga isinusulat na kanta, “Buhay,” ang payak na sagot ni Ayala. Para sa kanya, hindi lamang isang bagay ang inspirasyon, kundi isang paraan ng pagtingin sa mga bagay sa ating paligid. “It begins with an effort. If I set my mind to it, I can be inspired.”

Sa pagsulat ng kanta, pinahahalagahan ni Ayala kung malinaw bang naipararating ang nais niyang sabihin. “Responsibilidad kong hulihin kung ano ‘yong dumaan sa kamalayan ko.” Sa kalaunan, natanto niyang iba-iba na ang dating ng mga isinusulat niyang kanta sa mga mga tagapakinig. “At nang magsimula akong mag-isip ng ganoon, naging mas mahirap gumawa. Mas gusto ko ‘yong innocence noong wala akong pakialam at pinakikinggan ko [ay] ‘yong sarili ko lang.”

Bagong Lumad

“It’s a band. Now it’s also the name of a foundation. It’s also the name of a production outfit.” Sinasalamin ng dalawang salitang ito na nangangahulugang “new native” ang mga paniniwala ni Ayala ukol sa buhay, kultura, at pagiging bahagi ng lipunan. “Para sa akin, maraming mga problema ng lipunan ang nanggagaling sa attitude na ‘Hindi ako native. I don’t belong to this country, to the earth, to nature.’ Ang konsepto ko ng pagiging native ay pagiging bahagi ng kapaligiran.” Para kay Ayala, dapat nating tingnan ang ating sarili bilang bahagi ng ating paligid at lipunang ginagalawan, ng paglago at pagbagsak nito, ng mga problemang kinakaharap nito na kung tutuusi’y tayo rin naman ang dahilan. Para sa kanya, hindi dapat tingnan ng tao ang kanyang sarili bilang nakaaangat na nilalang. “Pakiramdam ko hayop pa rin ako eh. Iyon ‘yong part ng pagka-native ko. I do feel attached to everything.”

Sa Makabagong Kagubatan

Sa paglipas ng panahon, maraming mga pagbabago ang nagaganap sa lokal na industriya ng musika. Patuloy ang pagdami ng mga musikero kaalinsabay ng pag-unlad ng teknolohiya. “Sobrang layo. Ngayon, kagigising mo lang, puwede ka nang dumiretso sa recording studio sa bahay n’yo o sa cellphone.”

Ngunit para kay Ayala, hindi ganoon kalaki ang pagbabagong naganap sa pagtanggap ng tao sa kanyang musika. “Ganoon pa rin. Hindi pa rin siya ‘pop.’ Mas kilala ako ngayon, siyempre. Pero kung ikukumpara mo sa mga mainstream, o kumbaga sikat sa radyo, gan’on pa rin. Para pa rin akong nasa Davao. I’m still like a voice in the wilderness.”

Sa Pagiging Lagalag

Sa iba’t ibang bahagi ng kanyang buhay, naranasan ni Ayala ang maging makata, manalo ng Palanca, direktor ng dula, manunulat para sa isang magasin, at kung ano-ano pang gawain. Gayunman, kasabay ng lahat ng ito’y patuloy niyang hinuhulma ang pagmamahal sa musika. Nang magtanghal siya sa Vancouver Music Festival noong 1986 kung saan niya nakilala ang mga musikerong hndi pinagsasabay ang musika at iba pang trabaho, gumawa si Ayala ng desisyon na maging full-time musician. “The decision was a no-brainer then – the choice was between being poor-and-frustrated and being poor-and-happy.”

Ilang Prinsipyo

“Simplify. Use just the right pressure.” Huwag masyadong pahirapan ang sarili. Maging malinaw. Isaalang-alang ang lahat bilang bahagi ng pagsisikap. Sa pagsulat halimbawa, bahagi ng obra maging ang paraan ng iyong pag-upo at paghinga. Magkaugnay ang lahat ng bagay.

“Listen or read or look at things that you don’t like.” Para kay Ayala, hindi lang dapat mga bagay na gusto natin ang pinagtutunan natin ng pansin, dahil malilimitahan nito ang ating mga karanasan. Tingnan mo ang mga bagay na hindi mo gusto, at gawin mo kung ano ang hindi mo nakikita. Ito ang prinsipyo ng pagiging orihinal na natutuhan ni Ayala mula sa kanyang ama. “If you look and do what you don’t see, you fill up the spaces that exist.”

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s