Neil Coleta

On I Do Bidoo Bidoo: an Attempt at Film Review

Image

Noong nakaraang Sabado (sa wakas), nagkaroon ako ng pagkakataong mapanuod ang “kauna-unahang” movie-musical sa bansa na isang pagkilala sa bandang Apo Hiking Society, isang obra ni Chris Martinez, ang “I Do Bidoo Bidoo: Heto nAPO Sila.”

Pinangungunahan ito nina Sam Concepcion, Tippy dos Santos, Neil Coleta, Ogie Alcasid, Eugene Domingo, ZsaZsa Padilla, at Gary Valenciano.

Para sa isang movie-musical, masasabi kong magaling ang pagkakagawa ng I Do Bidoo Bidoo. Magaling ang direksiyon at sinematograpiya. Maganda ang kuwento gayundin ang pagpili ng mga karakter. Sadyang talentado ang bawat taong bahagi ng pelikula- mula sa mga bida hanggang sa mga trabahador sa hacienda at mga katulong sa mansyon nina Tracy.

Kung pagbabasehan ang musikal na aspekto, napakagaling ng bawat pagtatanghal at halatang pinaghirapan ang bawat maliit na detalye ng produksiyon.

May napansin lamang kaming ilang probelema sa paraan ng pagkukuwento- naging napakabilis ng istorya at nawalan ng pokus sa mga detalye ng naratibo. Isang halimbawa nito ang biglaang pagbabati ng mga karakter nina Valenciano at Padilla sa huling bahagi ng pelikula, sa hindi maipaliwanag na dahilan. Nagmukhang isang “series of music videos” ang pelikula. Mahuhusay ang bawat music video kung nag-iisa subalit naging mahina ang kapit ng dapat sana’y kauganayan nila sa isa’t isa.

Gayundin, mapapansing may kaunti pang pagkukulang pagdating sa pag-arte ng ilang aktor, kabilang na sina Concepcion at Dos Santos. May ilang eksenang hindi nagtagumpay na maihatid sa manonood ang dala nitong emosyon. Katulad na lamang ng mga eksenang sumunod sa pagkansela sa kasal nina Rock at Tracy. Inasahan kong maramdaman mula sa mga karakter ang labis na kalungkutan ndahil sa puntong iyon nga ay hindi na sila magkakasamang muli, subalit hindi iyon nangyari. Gayunman, bumawi naman ang dalawa sa aspektong musikal ng pelikula. Hindi sila nagpahuli pagdating sa kahusayan sa pag-awit kahit pa puro beterano ang kanilang mga nakasama.

Samantala, kahanga-hanga naman ang ipinamalas ni Coleta sa pag-arte bilang bading na best friend ni Rock. Hindi man siya kasing-eksperto ng mga kasama pagdating sa pag-awit, mahusay niyang naisabuhay ang kanyang karakter na sadyang nagbigay-kulay sa pelikula. Mahusay din ang ipinamalas ng iba pang mga bida, na aasahan naman na natin mula sa mga aktor at mang-aawit na beterano na sa industriya.

Ang totoo, kung panonoorin mo ang I Do Bidoo Bidoo, sadyang hindi mo na mapapansin ang maliliit na pagkukulang sapagkat hahanga ka at mapapanganga sa galing ng bawat pagtatanghal. Bilang kauna-unahang legit na movie-musical sa bansa, magandang simula ang I Do Bidoo Bidoo para sa industiya ng musika at pelikula ng Filipinas.

Mataas ang pangarap natin para sa Original Pilipino Movies at Music. Hindi mauubusan ng talentadong Filipino sa ating komunidad na na naghihintay lamang ng daan tungo sa pagbabahagi ng kanilang galing. Inaasahan kong mas epic pa ang susunod na Filipino musical na lalabas sa movie scene. Hindi na ako makapaghintay. 🙂

Advertisements