Test

Overthinking

Mahirap umasa sa magagandang bagay dahil sa huli’y masasaktan ka lang kung hindi ‘yon mangyayari.

‘Yon ang sabi nila. Kadalasan, totoo naman. Pero ang isa pang masaklap: kumbinsihin ang sarili na may masamang mangyayari at tuluyang magpanic-. Duh, wala pa kaya.

Ang katwiran: para hindi na gaanong masakit kapag nangyari na. Pero paano kung mabuti naman pala ang kahihinatnan ng lahat at hindi naman magkatotoo ang mga hinala? Nagmukha ka lang tanga.

Noong nakaraang araw, kumuha ako ng mahabang pagsusulit sa isang major subject.  Hindi ko alam kung sadyang mahina lang ako, kulang sa paghahanda, o sadyang napakahirap lang n’ong eksamen. Pakiramdam ko nilalagare na ang bungo ko, isang oras pa lamang ang lumilipas mula sa tatlong oras na nakalaan.

Habang pilit na pinipiga ang utak para sa mga konseptong napag-aralan, paminsan-minsa’y lumilinga ako sa paligid. Hindi para mangopya.  Nakikita ko ang mga kasamahan ko sa kurso, gayundin ang propesor kong kinikilala sa kanyang larangan. Naiisip ko ang kinabukasan ko na nakasalalay sa mga papel at bolpen na hawak ko, gayundin sa mga letra at numerong nasa harapan ko nang mga oras na’yon. Kung ibabagsak ko ang pagsusulit, babagsak ako sa asignatura, matatanggal ako sa kurso, mawawalan ng iskolarsyip, at… Pero hindi ‘yon ang problemang dapat harapin. Sumagot ako hanggang sa abot ng aking makakaya at pagkatapos ng pagsusulit, isa lamang ang dasal ko: ‘wag sanang bumagsak.

Nang gabing iyon (hanggang kaninang umaga), labis na kalungkutan ang sumukob sa buhay ko. Pakiramdam ko, hindi tama ang mga ginawa ko, hindi ako naglaan ng sapat na oras sa pag-aaral, nagkulang ako. Umabot ako sa puntong kinuwestiyon ko ang mga bagay na isinasabuhay ko, mga gawaing tinatanggap ko at mga desisyong ginagawa ko. Umabot din ako sa puntong sinimulan ko ang blog na ito. [:>] Depresyon.

__________________________________________________

Kaninang umaga, klase sa asignatura kung saan ako kumuha ng eksamen noong nakaraang araw. Idinetalye ng propesor ang mga kasagutan sa nakaraang pagsusulit, pero hindi pa niya ibinalik ang mga papel namin. Dug. Dug. Dug. Habang tumatakbo ang oras lalo pa akong kinakabahan sa kalalabasan ng ginawa ko. Pumapasok na namang muli sa isip ko ang pagbagsak, pagkatanggal sa kurso at…

Pagkatapos ng klase, ang laki ng galit ko sa sarili ko. Hindi dahil nasiguro ko na ang pagbagsak sa pagsusulit, kundi dahil nang binilang ko ang mga aytem na medyo sigurado akong tama ang aking isinagot, lumagpas naman sa kalahati. Ibig sabihin: pasado. Hindi mataas, pero pasado. Masaya naman ako na sa nangyari, pero ‘yong kung ano-anong bagay na gumulo sa isip ko nitong mga nakaraang araw, ‘yong mga luhang tumulo dahil sa mga negatibong pangyayari na ipinalagay kong magaganap, ang mga oras na nasayang ko sa panunuod ng pelikula sa pag-aakalang kailangan ko iyon para aliwin ang sarili…

Ang labo ko. Pero ayos lang, atlis pasado. :> Dalawang mahabang pagsusulit na naman ang haharapin ko bukas. Anuman ang maramdaman ko pagkatapos, sisiguraduhin kong hindi kasama roon ang panghihinayang. hangga’t alam kong naghanda ko, ipasasa-Diyos ko na lamang ang kalalabasan ng mga pagsusulit. Siguro… makabubuti kung pupunta ako sa isang party bukas ng gabi. :>

Advertisements